Arestado ng mga ahente ng National Bureau of Investigation – Western Visayas Regional Office (NBI- WEVRO),ang isa babaeng nagpapanggap na “beauty doctor” at dalawang clinic staff nito sa isinagawang entrapment operation sa Iloilo City.
Kabilang sa mga inaresto ng NBI sina Ivonne Pal,Roselyn Panes at Michelle Tamdang dahil sa kasong paglabag sa R.A. 2382 (Medical Act of 1959) at estafa sa ilalim ng Article 315 ng Revised Penal Code (RPC), in relation to R.A. 10175 (Cybercrime Law).
Napag-alaman na inaresto ang tatlong babae matapos ang serye ng reklamo mula sa taong nagpagawa ng non-surgical procedure sa mga suspek na nagpanggap bilang mga cosmetic surgeons o aesthetic practitioners ng Angel’s Pretty Aesthetic Beauty Lounge na nasa Molo, Iloilo City.
Ayon sa mga complainant, sa halip na gumanda maetapos sumailalim sa facial rejuvenation at contouring ay nagkaroon sila ng acute bacterial skin at soft tissue infections kasunod ng procedure na ginawa sa kanila ng mga suspek .
Napag-alaman na nagmamantina rin ng Facebook account ang naturang establisimiyento kung saan ipinu-promote nila ang kanilang aesthetic services sa online.
Ayon sa isinagawang beripikasyon sa Professional Regulatory Board (PRC) at Food and Drug Administration (FDA), walang lisensiya ang naturang beauty establishment at ang mga doktor ay nagpa-praktis ng medisina nang walang lisensiya.
Nabatid pa na noong Oktubre 19 ay nagsagawa ng entrapment operation ang NBI sa establisimiyento kung saan ang isang poseur-patient ay nagpa-noselift sa halagang P10,000.
Nang iabot ang marked money ay dito na inaresto si Pal na siyang magsasagawa sana ng procedure at sina Panes at Tamdang na mga clinic staff.