PDP, BINATI ANG KATOLIKO AT IBA PANG NAGDIRIWANG NG PASKO NG PAGKABUHAY

By: Jerry S. Tan

Nagparating ng pagbati ang Partido Demokratiko Pilipino (PDP) sa lahat ng Romano Katoliko at iba pang denominasyong Kristiyano na ang mga miyembro ay nagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay.

“Isang masayang pagdiriwang,” ayon sa pagbati na ipinarating, mula sa partido, ni Atty. Ferdinand Topacio, deputy spokesman ng PDP.


“Dahil ang araw na ito ay sumisimbolo ng pagpapanibago, malugod na ipinapahayag ng PDP na ang puspusang pagsisikap nito na baguhin at palakasin ang mga hanay nito mula sa rank-and-file, ay nagkaroon ng malaking tagumpay,” ani Topacio.

Aniya, ang mga nais maging kaanib na tumugon sa panawagan para sa kamalayang pampulitika at tungkuling sibiko ay dumagsa sa maraming Basic Membership Seminars (BMS), na malinaw na lumampas sa lahat ng inaasahan, habang ang mga opisyal at miyembro, sa diwa ng bayanihan, ay nagkukusang-loob ng kanilang mga tulong at ibang kakayanan sa pagsasagawa ng mga seminar na ito.

“Naniniwala kami na ang pagkaunawa na ang PDP ang tanging tunay na oposisyon at ang palagian at patuloy nitong paninindigan laban sa katiwalian at pagsunod sa batas, bukod sa iba pa, ang siyang nagpasiklab sa pagdagsa sa hanay nito,” dagdag pa ni Topacio.


“Dahil walang duda na magpapatuloy ang ganitong kalakaran, buong tiwala kaming sumusulong sa hinaharap na may pag-asa sa pagbabago ng ating bansa at pamahalaan tungo sa isa na sumasalamin sa mga mithiin ng ating mga mamamayan para sa transparency, kahusayan at pananagutan upang maiahon ang Pilipinas mula sa kasalukuyang kalagayan at makamit ang mas mataas na antas ng pag-unlad at tagumpay na nararapat sa mga Pilipino,.” saad pa niya.”


Tags: Atty. Ferdinand Topacio

You May Also Like