Nagtago lamang sa isang pasilidad sa loob mismo ng National Bilibid Prison (NBP) ang isang Person Deprived of Liberty (PDL) na naunang iniulat na nawawala nitong Miyerkules.
Ayon sa ipinadalang ulat sa Department of Justice (DOJ) ni Bureau of Correction (BuCor) Director General Gregorio Catapang, Jr. sinabi nito na nakitang nasa loob ng NBP alas- 3:20 ng madaling araw ang PDL na si Jonathan Villamor, ng Dorm 6A Medium Security Camp sa Site Harry, dating Alternative Learning System-Basic Literacy Program ALS-BDP School.
Iniulat na nawawala si Villamor alas-4 ng hapon matapos ang isinagawang ‘final physical head count’ sa mga PDL na isinagawa ni CO3 Zaldy H. Palma, na siyang ‘keeper on duty’ noon.
Kaagad itong ipinaalam ni Palma kay CSO2 Glen Mendoza, administrator ng Medsecamp office, dahilan para hanapin si Villamor hanggang sa makita itong natutulog sa loob ng pasilidad.
Sanhi nito ay iniutos ni Catapang sa lahat ng correction officers na magsagawa ng visual inspection kada limang minuto sa mga PDL partikular na iyong mga naatasan sa agricultural work.
Ayon kay Catapang, ito ay para madali nilang matukoy ang pinuntahan ng PDL pagkagaling nila sa kanilang mga itinalagang trabaho.