NASA 400 kilo ng methamphetamine hydrochloride na mas kilala bilang ‘shabu’ ang nasamsam ng pinagsanib na pwersa ng government security forces sa pangunguna ng Philippine Drug Enforcement Agency, sa ikinasang bigtime buy-bust operation kamakalawa ng hapon sa Pangasinan at La Union.
Ininspeksyon ni PDEA Director General Wilkins Villanueva ang mga nasabat na droga na naka-pakete at may tatak na Chinese Tea, na itinatayaang aabot sa P 2.72 bilyong piso ang street value.
Ayon kay PDEA Public Information Office Director Derrick Carreon, matapos ang ilang linggong paniniktik at pagpaplano sa galaw ng mga hinihinalang miyembro ng bigtime drug syndicate ay naglatag ng anti-illegal drug operation ang PDEA Intelligence Service, PDEA RO 1, PDEA NCR, katuwang ang Armed Forces of the Philippine (AFP) Task Force NOAH, AFP Team Navy, Bureau of Customs, at Philippine National Police.
Una nang nagsagawa ng buy-bust operation ang PDEA-led team sa Turquoise St. Sunshine Village, Pozorrubio, Pangasinan alas-11:30 ng umaga kamakalawa at naaresto si Kewujia alyas James Dagale Galopo, 49, Chinese national, ng San Vicente Sur, Agoo, La Union, kasama ang tatlong Pilipino na kinilalang sina Johnbert Yagong, 21, ng San Agustin Norte, Agoo, La Union; Jenson Rey Yago, 29, ng Brgy. Codcod, San Carlos City, Negros Occidental at Ritchell Repuesto, 28, ng San Carlos City, Negros Occidental.
Nasamsam ang 360 kilo ng methamphetamine hydrochloride o shabu na nagkakahalaga ng P 2.448 bilyon mula sa Chinese national at sa kanyang mga Filipino cohorts, kasama ang mga cellular phone, buy-bust money, iba’t- ibang identification card at mga dokumentong pinansyal.
Isang follow-up na buy-bust operation naman sa Ilang-Ilang St., Brgy. Poro, San Fernando, La Union dakong 12:45 ng hapon ang nagresulta sa pagkakaaresto sa 38-anyos na si Romel Leyese ng Bagong Silangan, Quezon City at 18-anyos na si John Paul Repuesto ng San Carlos, Negros Occidental.
Nasamsam ang 40 kilo ng shabu mula kina Leyese at Repuesto, kasama ang mga cellular phones, iba’t-ibang identification cards at financial documents.
Sila ay nahaharap sa kaukulang kasong isinampa laban sa kanila ng mga umarestong operatiba. (VICTOR BALDEMOR)














