Latest News

PCSO, tumanggap ng sertipikasyon ng ISO mula sa TUV Rheinland

Tumanggap ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ng ISO Certification mula sa TUV Rheinland nitong Lunes ng umaga, Abril 3.

Ayon sa abiso ng PCSO, iginawad ni Sales Manager Isabel Tiu ng TUV Rheinland ang Sertipikasyon para sa PCSO patungkol sa ISO 9001:2015 Quality Management System sa Flag Honoring Ceremony na isinagawa sa Conservatory Building nito sa Mandaluyong City.

Tinanggap naman ni Deputy Quality Management Representative (DQMR), Atty. Lauro A. Patiag ang nasabing sertipikasyon, na iginawad sa ahensiya bilang parangal sa pagpupunyagi nitong maabot at masunod ang mga pamantayan upang patuloy na magkaroon ng de kalidad na serbisyo para sa publiko.

Nakasaad sa sertipikasyon ang maayos at organisadong pagpapatakbo ng PCSO sa Gaming Operations kasama ang Online Lotto, gayundin ang iba’t ibang programang pang-kawanggawa ng ahensiya na sumasang-ayon sa International Standards.

Nabatid na ang naturang sertipikasyon ay may bisa mula Pebrero 2, 2023 hanggang sa Marso 8, 2025.

Samantala, binasa din ni OIC – HRD Manager Cynthia Amelia Regudo ang nakapaloob sa Proclamation No. 469 na nagdedeklara na ang Buwan ng Abril kada taon ay “Buwan ng Kalutong Pilipino” o “Filipino Food Month” kung saan pinapahalagahan at isinusulong ang malawak at mayamang tradisyon sa pagluluto ng mga Pagkaing Pinoy gayundin, upang suportahan ang iba’t ibang industriya, magsasaka at agri-komunidad na kung saan ay nakikinabang ang bawat mamamayang Pilipino.

Inaatasan din ang bawat Departamento at sangay ng Pamahalaan na makilahok at tumulong sa mga aktibidad at pagdiriwang ng “Buwan ng Kalutong Pilipino.” (Jaymel Manuel)

Tags:

You May Also Like

Most Read