Isang taga-Metro Manila ang naging instant multi- milyonaryo matapos na magwagi ng mahigit sa P111 milyong jackpot prize sa GrandLotto 6/55 ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na binola nitong Lunes ng gabi, Setyembre 4, 2023.
Sa abiso ng PCSO nitong Martes, nabatid na matagumpay na nahulaan ng lucky bettor ang six-digit winning combination ng GrandLotto 6/55 na 55-50-06-45-12-40 na binola dakong alas-9:00 ng gabi.
Dahil dito, naiuwi niya ang katumbas nitong premyo na tumataginting na P111,039,686.
Nabili ng mapalad na mananaya ang kanyang lucky ticket sa BFRV, Las Piñas City.
Pinayuhan naman ni PCSO Vice Chairman of the Board at General Manager Melquiades ‘Mel’ Robles ang lucky winner na upang makubra ang kaniyang premyo ay magtungo lamang sa punong tanggapan ng PCSO sa Mandaluyong City.
Kailangan rin aniya nitong iprisinta ang kaniyang dalawang balidong ID at ang kanyang lucky ticket.
Nagpaalala rin si Robles na ang lahat ng premyong lampas ng P10,000 ay papatawan ng 20% buwis, sa ilalim ng TRAIN Law.
Ang lahat naman ng mga premyong hindi makukubra, mula sa araw nang pagbola dito, ay awtomatikong mapo-forfeit at mapupunta sa Charity Fund ng PCSO.
Ang GrandLotto 6/55 ay binubola tuwing Lunes, Miyerkules at Sabado.