Inianunsiyo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na isang Novo Ecijano ang pinalad na magwagi ng tumataginting na P116.5 milyong jackpot prize ng GrandLotto 6/55, habang Ilonggo naman ang nanalo ng P10.8M jackpot ng Lotto 6/42, na kapwa binola nitong Sabado ng gabi, Nobyembre 11, 2023.
Sa abiso ng PCSO nitong Linggo, nabatid na matagumpay na nahulaan ng isang mapalad na mananaya ang six-digit winning combination ng GrandLotto 6/55 na 52-08-41-11-27-31, kaya’t naiuwi nito ang katumbas na jackpot prize na P115,554,053.80. Nabili ng lucky winner ang kanyang lucky ticket sa Santa Rosa, Nueva Ecija.
Samantala, natamaan naman ng isang Ilonggo ang P10,874,702.20 na jackpot prize ng Lotto 6/42 matapos na matagumpay na mahulaan ang six-digit winning combination na 03-28-17-11-26-16. Nabili ng lotto winner ang kanyang lucky ticket sa Santa Barbara, Iloilo City.
Upang makubra ang kanilang premyo, pinayuhan ng PCSO ang mga lotto jackpot winners na magtungo sa kanilang punong tanggapan sa Mandaluyong City at iprisinta ang kanilang lucky tickets at dalawang balidong IDs.
Nagpaalala rin ang PCSO na ang lahat ng premyong lampas ng P10,000 ay isasailalim sa 20% na buwis, alinsunod sa TRAIN Law, habang ang lahat ng premyong hindi makukubra, isang taon mula sa petsa ng pagbola dito, ay awtomatikong mapo-forfeit at mapupunta sa kanilang Charity Fund.
Una nang sinabi ni PCSO General Manager Melquiades Robles na walang talo sa pagtaya ng kanilang mga palaro dahil sa halagang P20 lamang ay magkakaroon na ng pagkakataong magiging susunod na multi-milyonaryo ay makakatulong pa sa kawanggawa.