PCSO, nagpaliwanag sa three-digit game na dumanas ng minor glitch

By: Baby Cuevas

Kinumpirma kahapon ng pamunuan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na dumanas ng minor glitch ang kanilang 3-Digit game 2 p.m. draw noong Martes, Pebrero 27, 2024.

Ito ay matapos umanong hindi mahuli o ma-capture ng isang draw machine nila ang isa sa mga winning balls ng 3-Digit draw, na nag-aalok ng top prize na P4,500 bawat winning ticket.


Kaagad namang naglabas ng kalatas ang PCSO hinggil sa pangyayari upang magpaliwanag.

Ayon kay PCSO General Manager Mel Robles, nang maganap ang insidente ay kaagad na rumesponde ang kanilang technical team at inayos ang problema.

Ginamit umano ng mga ito ang kanilang standby machine na aprubado, base sa ISO 9001-2018 procedure.


Giit pa ni Robles, hindi ito ang unang pagkakataon na nangyari ito, hindi lamang sa Pilipinas, kundi maging sa Estados Unidos.

“It’s not the first time that this happens and we want to assure the public that we are prepared for this kind of unexpected incident with our established ISO-approved protocols,” aniya.


Ani GM Robles, dati na ring nakaranas ng glitch ang PCSO sa isa sa mga draws nito noong 2008 at may kahalintulad na insidente na rin na nangyari sa Estado Unidos nang mag-malfunction ang kanilang lottery machines.

Napag-alaman rin na sa nakalipas na 25-taon, ito pa lamang ang ikalawang pagkakataon na nagkaroon ng minor glitch sa PCSO habang nagsasagawa ng official draw.


“For this thing to happen is very remote. But we are prepared and we assure the public that our commitment to a transparent, fair and authentic lottery games will never waver, and is as strong as ever,” paniniguro pa ni GM Robles.

Tags: Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO)

You May Also Like