Iniulat ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na ang dalawang lucky winners na maghahati sa P42.7 milyong jackpot prize ng Lotto 6/42 na binola nitong Sabado ng gabi ay mula sa Pampanga at Laguna.
Sa abiso ng PCSO nitong Linggo, nabatid na matagumpay na nahulaan ng lucky winners ang six-digit winning combination na 10-03-12-20-07-28 ng Lotto 6/42 kaya’t paghahatian nila ang katumbas nitong premyo na P42,751,862.80.
Nabili umano ng lucky winners ang kanilang lucky ticket sa Sto. Niño Public Market, Guagua, Pampanga at sa Langcam, San Pedro, Laguna.
Pinayuhan naman ni PCSO General Manager Melquiades Robles ang mga lucky winners na upang makubra ang kanilang premyo ay magtungo lamang sa punong tanggapan ng PCSO sa Mandaluyong City.
Kailangan rin nilang iprisinta ang kanilang lucky tickets at tig-dalawang balidong IDs.
Pinaalalahanan rin naman ni Robles ang mga lucky winners na ang lahat ng premyo na mas mataas sa P10,000 ay isasailalim sa 20% tax, alinsunod sa TRAIN Law.
Ang lahat naman ng premyo na hindi makukubra sa loob ng isang taon matapos ang araw ng pagbola dito ay awtomatikong mapupunta sa kawanggawa.
Hinikayat rin niyang muli ang publiko na patuloy na tangkilikin ang mga PCSO games, partikular na ang lotto, upang magkaroon na ng pagkakataong maging susunod na milyonaryo, ay makatulong pa sa kawanggawa.
Ang Lotto 6/42 ay binubola tuwing Martes, Huwebes at Sabado.