Latest News

PCG: Oil tanker, nasunog; isa, patay; 63 tripulante, nailigtas

By: JANTZEN ALVIN

Nasawi ang isang tripulante habang 63 naman ang nailigtas nang masunog ang isang oil tanker habang nakadaong kahapon ng umaga sa Batangas.


Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), inaalam pa ang pagkakilanlan ng nasawi.

Ayon sa Facebook post ng PCG, alas-9 ng umaga nang sumiklab ang sunog sa Motor Tanker Sea Horse sa Alpha Anchorage Area sa Batangas.

Napag-alaman sa Batangas Coast Guard Station (CGS) , tinawagan sila ng Vessel Traffic Management System-Batangas upang i-report ang naturang insidente.


Nakipag-ugnayan ang PCG sa Bureau of Fire Protection (BFP) at Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) upang rumesponde.

Kaagad na nagsagawa ng search and rescue operation ang PCG at nailigtas ang nasa 63 tripulante ng barko.


Kaugnay nito, tatlong tugboat na malapit sa lugar at kinabibilangan ng Great Lark, Sedar 7 at Sedar 8 ang tumulong naman upang patayin ang sunog na tuluyang naapula alas- 11:08 ng umaga.

Inaalam pa ng PCG ang sanhi ng sunog ng oil tanker, habang nakaalerto na rin naman ang Marine Environmental Protection Group-Batangas dahil sa posibilidad na magkaroon ng oil spill dahil sa pangyayari.


Tags: Philippine Coast Guard (PCG)

You May Also Like