By: JANTZEN ALVIN
Napalutang na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang Motor Tanker Jason Bradley na lumubog sa karagatang sakop ng Bataan noong Hulyo 2024.
Ayon sa PCG, napalutang nang muli ng salvor na FES Challenger ang motor tanker ng hanggang 70% matapos ang isinagawang patching at seawater pumping dito.
Sa sandali umanong makumpleto ang pagpapalutang sa motor tanker ay kaagad na itong dadalhin sa Diving Industry Shipyard sa Barangay Alas-Asin, Mariveles, Bataan.
Matatandaan na noong Hulyo 26, 2024 ay lumubog ang MTKR Jason Bradley na may lulang 5,500 diesel, sa karagatan ng Barangay Cabcaben sa Mariveles, Bataan.
Ang siphoning operations dito ay ginawa noong Agosto 10 matapos na makitaan ng tagas.
Magugunitang lumubog rin sa karagatan ng Bataan ang MTKR Terranova na may lulan namang 1.4 milyong litro ng industrial fuel oil. Umaabot na umano sa 97% ng oil cargo nito ang narekober na.
Sumadsad naman ang MV Mirola 1 sa Bataan pero na-tow ito at naidaong sa isang shipyard sa Bataan.














