Malugod na pinasalamatan ni Manila Mayor Honey Lacuna si President Ferdinand Marcos, Jr. sa pagdedeklara nito sa June 24 ( Martes) bilang special non-working day sa Maynila, kaugnay ng pagdiriwang ng ‘Araw ng Maynila’ na tampok sa ika-454 taong anibersaryo ng lungsod.
Nagpahayag din ng pasasalamat si Lacuna sa lahat ng tumulong sa Maynila mula pa noon, upang marating nito ang kasalukuyang estado bilang lider sa lahat ng siyudad sa bansa.
“Sa lahat ng mga nakatulong natin sa paglilingkod, pribado man o kasama natin sa trabaho, maraming-maraming salamat sa inyong lahat,” ani Lacuna.
Binigyang- diin rin ni Lacuna na dapat na ikarangal ng mga taga-Maynla ang lungsod kung saan sila ipinanganak, lumaki, nag-aral, nagkapamilya at nagsilbi sa abot ng kanilang makakaya.
Pinasalamatan niya ang mga residente, mga kawani ng lokal na pamahalaan, mga nakatuwang ng pamahalaang lungsod mula sa gobyerno at pribadong sektor at maging ang mga indibidwal na tumutulong sa Maynila sa maraming paraan sa loob ng maraming taon.
“Ang tulong at suporta ng bawat isa ay hindi natin dapat balewalain, dahil sa lob ng 454 taon ay hinubog ng mga ito ang Maynila bilang tunay na karapat- dapat bilang kapitolyo ng ating bansa,” ani Lacuna.














