MISMONG si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos, Jr., bilang Armed Forces Commander- in -Chief, ang siyang mangunguna sa gaganapin ngayong Philippine Military Academy (PMA) Alumni Homecoming sa Fort del Pilar, Baguio City.
Si Pangulong Marcos ay magtutungo ngayong Sabado sa Baguio City para makiisa sa gaganaping Philippine Military Academy o PMA Alumni Homecoming 2023 na gagawin mismo sa Fort Del Pilar.
Magsisilbing Panauhing Pandangal at tagapagsalita sa taunang selebrasyon ng mga pulis at sundalo na nagsipagtapos sa pamosong military institution ang pangulo bilang commander-in- chief.
Alas- 9 ng umaga sa Sabado ay aasahan ang pagdating ng Pangulo sa Fort Del Pilar.
Pagdating sa Fort Del Pilar ay didiretso ang Pangulo sa sundial area para sa arrival honors na susundan ng guest book signing sa Longayban Hall bago tutuloy sa grandstand para sa main program.
Sa programa sa PMA Grandstand, inaasahang pangungunahan ng Pangulo ang awarding ceremony, kung saan may mga PMAer na mabibigyan ng lifetime achievement awards, Cavalier Awardees, Pandemic Heroes Awardees, Diamond Jubilarians (Class 63), Golden Jubilarians (Class 73) at Silver Jubilarians (Class 98).
Ang PMA alumni homecoming ay tradisyunal na ginagawa ng mga nagtapos sa akademya taon-taon, sa pangunguna ng itinalagang host class. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)