Hinirang si dating veteran journalist Jay Ruiz ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. bilang bagong Presidential Communications Office (PCO) Secretary kahalili ni Cesar Chaves.
Nabatid na nakatakdang opisyal na manungkulan si Ruiz na naging opisyal din ng Defense Press Corps bilang bagong kalihim ng PCO, sa susunod na buwan ng Marso.
Sa radio program ay kinumpirma ni Presidential Communications Office Acting Secretary Cesar Chavez na si Jay Ruiz ang itinalagang kapalit niya bilang kalihim ng nasabing tanggapan.
Nabatid na ang 50-anyos na si Ruiz gaya ni Pangulong Bongbong Marcos ay may malalim ding ugat sa Ilocos Norte. Ang kanyang ama ay si Alfonso J. Ruiz ay isang abogado na matagal na nagsilbing Mayor Sarrat, Ilocos Norte — ang birthplace ni dating Pangulong Ferdinand Edralin Marcos, Sr.
Sinasabing ihaharap ni Chavez sa gaganaping PCO Mancom sa Lunes si Ruiz at ipapakilala ito sa PCO bahagi ng weeklong transition para sa maayos na pagpapasa ng tungkulin.
Si Jay Ruiz ay isa ring dating broadcast journalist ay magsisilbing ikaapat na magiging pinuno ng PCO sa ilalim ng administrasyong Marcos.
Magugunitang ang unang naging press secretary ay si Atty. Trixie Cruz-Angeles, na nanungkulan mula Hunyo 30, 2022, hanggang Oktubre 4, 2022. Pinalitan siya ni Cheloy Garafil, na kalaunan ay sinundan naman ni Chavez.














