NAKATAKDANG bisitahin ni China State Councilor and Foreign Minister Wang Yi si President Ferdinand Bongbong Romualdez Marcos Jr., sa mga susunod na araw.
Ayon kay Foreign Ministry Spokesperson Zhao Lijian kabilang ang Pilipinas sa mga bansang pakay ng gagawing official visit ni Yi.
Si Foreign Minister Wang Yi ay magsisilbing chairman ng 7th Lancang-Mekong Cooperation Foreign Ministers’ Meeting sa Myanmar, dadalo din sa G20 Foreign Ministers’ Meeting sa Indonesia at saka magkakaroon ng official visit sa Pilipinas, Thailand, Indonesia at Malaysia at saka magsisilbing host ng second Meeting of China-Indonesia High-level Dialogue Cooperation Mechanism, at 14th Meeting of the China-Vietnam Steering Committee for Bilateral Cooperation at sixth Meeting of China-Cambodia Intergovernmental Coordination Committee in Nanning, Guangxi.
Samantala inimbitahan din umano ni US President Joe Biden si President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na bumisita sa Washington.Sinasabing kinumpirma ito ni Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez.
Kinumpirma rin umano ni Romualdez na mayroong letter of invitation na ipinasakamay kay Marcos ni Second Gentleman Douglas Emhoff.
Kung maaalala, pinangunahan ni Emhoff ang presidential delegation na ipinadala ni Biden para dumalo sa inauguration ni Marcos noong June 30 sa National Museum sa Manila.
Una ng inihayag Pangulong Marcos kabilang sa kanyang mga programa na iangat ang bilateral ties ng Pilipinas sa iba’t ibang kaalyadong bansa gaya ng China, US. South Korea, Australia “to a higher level.”
Inihayag ni Pangulong Marcos ang pangako niyang ito sa naging pulong niya kay Chinese Vice President Wang Qishan sa National Museum of Fine Arts sa lungsod ng Maynila, matapos ang kanyang panunumpa bilang ika 17 pangulo ng Pilipinas.
Kinonsidera kasi ni Pangulong Marcos ang China bilang “the most powerful partner of the Philippines.”
“The new Philippine government attaches utmost importance to the relations with China, and is willing to deepen its participation in the joint construction of the Belt and Road, join hands with China in coping with regional challenges, and elevate the bilateral ties to a higher level,” ayon pa kay Xinhua na sinabi ni Marcos.
Ipinahayag din nito ang kahandaan ng China na makatrabaho ang Pilipinas sa ilalim ng liderato ni Pangulong Marcos.
Ani Wang, “the Chinese side has always given priority to the Philippines in its neighborhood diplomacy, and is ready to work with the new Philippine government in carrying on their friendship, boosting mutual trust and deepening cooperation so as to usher in a new ‘golden age’ in bilateral ties.”
Hanggang ngayon ay hindi pa rin makapagbigay ang Malakanyang ng detalye ng nangyaring pagpupulong nina Pangulong Marcos at Wang, isa sa mga foreign dignitaries na dumalo sa inagurasyon ng una bilang ika-17 Pangulo ng Pilipinas.
Bukod kay Wang, nag-courtesy visit din sina Thai Deputy Prime Minister Don Pramudwinai, Japanese Foreign Minister Yoshimasa Hayashi, Australian Governor General David Hurley, at United States Second Gentleman Douglas Craig Emhoff kay Pangulong Marcos sa National Museum of Fine Arts.
Samantala, nais din umano ni Pangulong Marcos Jr. ang mas maraming economic activities sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos. (VICTOR BALDEMOR)