Muling pinagtibay ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang buong suporta ng pambansang pamahalaan sa rehiyon ng Bangsamoro at sa mga mamamayan nito, nang makasama niya ang mga pinuno ng kauna-unahang demokratikong halal na Parliamento ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa inaugural session nito noong nakalipas na linggo.
Nagmarka ang makasaysayang okasyon ng pormal na pagtatapos ng pitong taong transisyon sa ilalim ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) at pagsisimula ng gawain ng unang regular na pamahalaang parliamentaryo ng rehiyon ng Bangsamoro.
Inilarawan ni Pangulong Marcos ang pagkakatatag ng halal na pamahalaan ng BARMM bilang isang malaking tagumpay na bunga ng ilang dekadang pakikibaka, dedikasyon at diyalogo sa pagitan ng pambansang pamahalaan at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Sa kanyang talumpati sa harap ng 80 bagong halal na miyembro ng Parliamento (MPs), sinabi ng Pangulo na: “Matapos ang ilang dekadang pakikibaka, narating na natin ang makasaysayang araw na ito. Alhamdulillah. Papuri sa Diyos. Pormal nitong tinatapos ang pitong taong transisyon sa ilalim ng Bangsamoro Transition Authority at minamarkahan ang pagsisimula ng unang regular na pamahalaang parlamentaryo ng rehiyon.”
Pahayag pa ni Pangulong Marcos, “Tunay na tagumpay ito para sa ating mga kapatid na Bangsamoro. Tagumpay ito para sa Mindanao. Tagumpay ito para sa buong sambayanang Pilipino.”
Nagbigay-pugay din ang Pangulo sa mga pamilyang nagdusa sa mahabang panahon ng tunggalian. Kinilala rin niya ang makabuluhang ambag at pamumuno ng mga lider mula sa iba’t-ibang panig na nagsulong sa pagpapatibay ng makasaysayang Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB) at Bangsamoro Organic Law (BOL).
Binigyang-diin niya na bagama’t makasaysayang tagumpay ang mapayapang pagsasagawa ng halalan at pagkakahalal sa mga posisyon sa pamahalaan, ang tunay na hamon para sa mga bagong pinuno ay ang paghahatid ng pamamahalang may pananagutan, malinaw at tumutugon sa mga pangangailangan ng mamamayan.
Nagpahayag naman ng kanilang suporta si Presidential Peace Adviser Secretary Mel Senen Sarmiento sa mga bagong halal na miyembro ng parlamento.
Ayon kay Sarmiento, na dumalo rin sa inaugural session, ang pagkakatatag ng halal na pamahalaan ng Bangsamoro ay katuparan ng pangunahing pangako ng CAB sa ilalim ng Political Track nito.
Binigyang-diin ni Sarmiento ang pagbabago ng pansamantalang pamahalaan ng BARMM tungo sa isang demokratikong halal na institusyon, gayundin ang kahanga-hangang pagbabago ng mga dating mandirigma ng MILF bilang mga miyembro ng Parlamento.
“Ang pagtitipon ng halal na Parlamento ang pinakaganap na pagpapakita ng Political Track ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro, gayundin ang pagpapahayag ng kagustuhan ng mamamayan na hubugin ang pang-ekonomiya at pampolitikang kinabukasan ng kanilang rehiyon,” aniya.
Ayon pa kay Sarmiento, ang istrakturang pangkapayapaang maingat na binuo sa loob ng maraming taon — mula sa magkasanib na mga mekanismo para sa kapayapaan, mga intergovernmental body, hanggang sa Normalization Program — ang nagbigay-daan sa yugtong ito sa kasaysayan ng Bangsamoro.
“Ang mahalagang tagumpay na ito ay para sa mga tagapagtaguyod ng kapayapaan, mga dating mandirigma, at iba pang stakeholder na patuloy na sumuporta sa proseso ng Bangsamoro sa kabila ng mga hamon, dala ang paniniwalang balang araw ay makakamit ng rehiyon ang pangarap nitong tunay na sariling pamamahala at pagpapasya sa sariling kinabukasan,” aniya.














