PINANGUNAHAN mismo ni Philippine National Police commander in chief, President Ferdinand Bongbong Marcos Jr. sa kauna-unahang pagkakataon ang isinagawang command conference kahapon ng pambansang kapulisan.
Agad na nilinaw ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr. na walang kakaiba rito kung hindi regular na Command Conference ng PNP hierarchy kasama ang kanilang commander in chief.
Sa nasabing pagpupulong ng mga senior PNP officers ay nag ulat ang pambansang pulis kay Pangulong Marcos Jr. hinggil sa mga accomplishments nito at maging sa kasalukuyang sitwasyong ng peace and order sa bansa at internal security.
Hindi agad na inilahad kahapon ng pamunuan ng PNP ang ibinabang direktiba ni pangulong Marcos sa Pambansang Pulisya kaugnay pa rin sa mga usaping may kinalaman sa pagtitiyak ng seguridad, kapayapaan, at kaayusan sa Pilipinas.
Bunsod ng isinagawang command conference ay pansamantala munang sinuspinde ang transakyon ng publiko sa ilang mga tanggapan ng PNP sa Kampo Crame bilang pagbibigay-daan pa rin sa naturang aktibidad.
Kaalinsabay nito ay ang mahigpit din na implementasyon ng seguridad sa buong kampo kung saan nagpatupad ng partial lockdown sa lugar mula alas-8:00 ng umaga kung saan may pinairal din na traffic rerouting scheme, at no entry area sa Headquarters Support Service sa ilang lugar.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief PCol. Jean Fajardo, bandang alas-11 ng umaga nagsisimula ang nasabing command conference sa multi-purpose center sa Kampo Krame na dinaluhan ng halos lahat ng mga opisyal ng PNP.