BIGYAN natin ng pagkakataon si President Ferdinand Marcos, Jr. at ang Maharlika.
Ito ang panawagan ni Manila third district Congressman Joel Chua, kasabay ng pagpuna niya sa mga walang katuturang banat pulitikal at mga pagtuligsa sa Pangulo ng bansa.
Sa kanyang pagdalo sa ‘Balitaan sa MayniLove’ news forum na ginawa ng Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA), si Chua na lantarang sumuporta kay Mayor Isko Moreno noong nakaraang presidential elections, ay binigyang diin na isang araw lang ang eleksyon, at dapat ay magkaisa na ang lahat ng mga Filipino sa kung sino man ang tinanghal na nanalo sa botohan.
Sinabi ng baguhang Konggresista na dapat itanim sa puso ng lahat na kapag nabigo ang Panguluhan, buong bansa rin ang damay. Sakaling ito naman ay matagumpay panalo din ang bayan.
Kaugnay pa nito, sinabi ng Konggresista na ang Maharlika Investment Fund na itinutulak ng pamahalaan ay kailangang bigyan ng pagkakataon.
“Ako, bumoto na ‘yes’ to Maharlika and I have my own reason. Nung una, ayaw ko din, nung isinasama nila ang GSIS and SSS. Ayoko dahil ang tatamaaan ay taumbayan but nung tinanggal and when they presented to us, gusto nila magkaroon ng investment, more on pagiinvestan ay infra that will generate income, I supported it,” sabi ni Chua.
Binigay na halimbawa ni Chua ang premier international airport na kailangan ng matinding rehabilitasyon.
“Sa totoo lang, ang pangit ng airport natin, nakakahiya, pag pumunta ka sa ibang bansa. It’s high-time na mag-invest tayo diyan,” sabi pa nito.
“Sa akin kasi, we have to understand. Naghahanap ng pera ang gobyerno. Pag ang gobyerno walang pera, wala ding magagawang proyekto. ‘Yung 4Ps alone, magkano kailangan. Ang mga ospital kailangang i-maintain,” paliwanag ni Chua at idinagdag din nya na nais nyang magkaron ng super hospital kada rehiyon tulad ng Philippine General Hospital para hindi na kailangan pang lumuwas ng Maynila ng mga taga-probinsya. (JERRY S. TAN)














