TAOS-PUSONG nagpasalamat si Manila Mayor Honey Lacuna kina President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. at First Lady Liza Araneta-Marcos dahil sa kanilang mga ginagawang hakbang upang muling buhayin ang makasaysayang Pasig River.
“Maraming salamat po, Pangulong Bongbong Marcos sa inyong walang sawang serbisyo at pagmamahal sa bayan,” pahayag ni Lacuna.
Kasama ni Lacuna sina President Marcos, Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, Interior Secretary Jonvic Remulla at iba pang mga opisyal na national at lokal na pamahalaan sa inagurasyon ng Phase 3 ng Pasig River rehabilitation project na tinawag na, “Pasig Bigyang Buhay Muli ” noong gai ng Huwebes, February 27, 2025.
Bago niyan ay pinasinayaan din nina Lacuna ang Pasig River Esplanade na pumatok sa mga lokal at dayuhang turista na naghahanap ng mga Instagrammable na lugar.
Ang Pasig River Esplanade ay bumabagtas mula sa Jones Bridge hanggang sa malapit sa dulong bahagi ng Manila Post Office.
Sinabi ni President Marcos, Jr. na, “Our mission is simple but it is difficult: to bring back the river to its pristine state and make it a vibrant waterway once again for life, for culture, and for mobility.”
Ang nasabing pagpapasinaya ng Phase 3 ay ginanap sa Plaza Mexico, Riverside Drive sa Intramuros kung saan ang mga opisyal ng Inter-Agency Council for the Pasig River Urban Development, sa pangunguna ni Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) sa ilalim ni Jerry Acuzar, ay naroon din.
Inihayag ni Pangulong Marcos na si First Lady Liza ang siyang nangangasiwa ng progreso ng nasabing mahalagang proyekto sa Pasig River at binigyang-diin din nito ang pagmamahal ng Unang Ginang sa kasaysayan at kultura. Aniya, layunin nilang tiyakin na ang Pasig River ay magiging bahagi ng pagkakakilanlan ng bansa.
Napag-alaman na ang Phase 3 ay lilikha ng 2,000 square meters na ‘open space’ sa pamamagitan ng pagsasara ng dati nang hinating Plaza Mexico road.
“This will create a safer, more beautiful, and expansive area for public events, for gatherings, and for leisurely walks. More than a development project, it symbolizes unity— honoring our past while embracing progress,” saad pa ni Pangulong Marcos, Jr.