Inatasan ng Paranaque Regional Trial Court,l Branch 258 na magbayad ng P3 milyon danyos ang isang kumpanya na sinampahan ng kasong infringement at unfair competition ng isang payment kiosks firm .
Sa 34-pahinang desisyon ni Judge Noemi Balitaan ng Parañaque RTC Branch 258 noong Setyembre 26,2013 pero ngayon lamang inilabas sa publiko, inatasan nito ang Electronic Transfer and Advance Processing Inc. (E-TAP) at maging si Perservando Hernandez na bayaran ang Manila Express Payments System (MEPS) ng nasa P3 milyon bilang exemplary damages at hiwalay na P200,000 bilang attorney’s fees.
Ayon sa Hhukom, napatunayan na guilty ang E-TAP sa pamemeke o pagkopya ng kanilang sistema, base sa mga ipinrisintang ebidensiya at testigo sa korte.
Nabatid na kabilang sa negosyo ng MEPS ang franchising, distribution, trading at pagbebenta ng registered at patented information technology (IT) products gaya ng Touch Pay na gumagamit ng lisensiyadong modelo.
Sa reklamo ng MEPS, ang business process ng E-TAP sa pamamagitan ng automated payment machine na Pay & Go ay lumabag sa kanilang registration.
Kabilang sa mga sinasabing gumagamit ng sistema ng E-TAP ay ang Pay & Go, Xytrix/ZoomPay na pag-aari ng Xytrix Systems Corporation, at Electronic Commerce Payments, Inc. (ECPay).
Magugunita na sinamsam ng National Bureau of Investigation (NBI) – Intellectual Property Rights Division ang ilang automated payment machines na may label ng mga nasabing kompanya at pinagagana sa pamamagitan ng E-TAP.
Sa desisyon, sinabi ni Judge Balitaan na base sa testimonya ng mga testigo at mga ebidensya, malinaw na ang makina ng E-TAP ay katulad lang din ng pag-aari ng MEPS at nagkakaiba lamang sa mga markings.














