Sa pagsisikap na mabigyang proteksyon ang mga laborers at employees lalo na sa informal sector, itinutulak ni Sen. Erwin Tulfo na matuldukan na ang ‘endo’ o ‘end of contract’ scheme na laganap umano hanggang ngayon.
Sa kanyang opening statement sa Committee on Labor Hearing on Anti-Endo and Magna Carta for Informal Workers, sinabi ni Sen. Tulfo na panahon na upang kilalanin ang karapatan ng mga manggagawa sa pamamagitan ng paglutas sa mga matagal nang suliranin ng labor sector, pag-abuso sa contractualization at kawalan ng sapat na proteksyon ng mga manggagawa
Ani Tulfo,”Oras na para wakasan ang sistemang mapang-abuso at kilalanin ang halaga ng bawat uri ng manggagawa. Whether they are fighting against the unjust “endo” system for a rightful permanent position, or asking to be seen and protected under the Magna Carta of the Informal Economy, our goal is one and the same, disenteng trabaho, tamang benepisyo, at makatarungang pamumuhay para sa bawat Pilipino.”
Binigyang-diin din ni Sen. Tulfo na habang ang karapatan ng mga manggagawa ay maliwanag sa Konstitusyon, lalo na pagdating sa ‘security of tenure’ at ‘humane working conditions’, ang malawakang paggamit ng ‘endo’ or ‘end of contract’ scheme sa bansa ay nagpapatuloy lamang
“Tulad ng patuloy na binibigyang-diin ng ating mga legal experts at labor advocates, isa itong urgent concern na unti-unting pumapatay sa dignidad ng ating mga manggagawa. Hindi po makatarungan na pagkatapos ng ilang buwang pagbabanat ng buto, ang kapalit ay kawalan ng trabaho upang makaiwas lamang ang mga kumpanya sa pagbibigay ng tamang benepisyo at regularisasyon,” ani Tulfo.
“Kasabay po ng laban para sa seguridad sa trabaho sa pormal na sektor, dapat din po nating ipaglaban ang mga manggagawa sa impormal na sektor. Ang atin pong mga tindero, tsuper, magsasaka, mangingisda maging ang mga freelancers ang pundasyon po ng ating ekonomiya. Subalit, Mr. Chair, hanggang ngayon ay hindi sapat ang kanilang proteksyon, walang benepisyo at tila labas pa sila sa mga karapatang dapat ipagkaloob para sa lahat ng mga manggagawa,” dagdag pa ng Senador.














