NAG-UMPISA na ng kanilang mahigpit na pagpapatrulya ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Manila Bay at Ilog Pasig bilang bahagi ng pagtitiyak sa seguridad sa inagurasyon ni President-elect Ferdinand Marcos Jr. sa Hunyo 30.
“Nagsimula na ‘yung aming inisyal na pagpapatrol dito sa karagatan ng Manila Bay. Dito sa Pasig River, meron na tayong naka-post. Magfu-full blast tayo ng mga personnel sa pagde-deploy ngayong Martes, bukas,” ayon kay PCG spokesperson Commodore Armand Balilo.
Tatlong “multi-role response vessels (MRRVs)” ang itatalaga sa bahagi ng katubigan ng alternate shifts.
Muli ring inihayag ng PCG na magpapatupad sila ng “no sail-zone” sa Hunyo 30 sa bahagi ng Pasig River malapit sa Malacañang.
Mag-uumpisa ang “Malacañang Restricted Area” mula Hospicio de San Jose hanggang sa Pureza sa Sta. Mesa, ayon kay Lt. Commander Michael Encina ng PCG.
Samantala, sinabi ni Manila Police District (MPD) spokesperson Major Phillip Ines na nag-umpisa nang ipatupad ang “gun ban” sa Metro Manila nitong Hunyo 27 at tatagal hanggang Hulyo 2.
Kanila na ring ini-audit ang mga tauhan at kagamitan na gagamitin sa pagbibigay ng seguridad sa inagurasyon. Una nang sinabi ng PNP na aabot sa 15,000 tauhan nila ang ikakalat sa Maynila para sa security. (ARSENIO TAN)