Patong-patong na kaso ang isinampa sa Department of Justice (DOJ) ng National Bureau of Investigation (NBI) laban kay suspendidong Negros Oriental Representative Arnolfo “Arnie” Teves, Jr.,kaugnay sa pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo noong Marso 4, 2023.
Kinumpirma ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na mga kasong multiple murder, multiple frustrated murder at multiple attempted murder ang isinampa laban kay Teves dahil sa pagkamatay ni Degamo,10 na iba pa at pagkasugat ng Ilan pang katao.
Nabatid na alas- 11 ng umaga nang dumating ang mga ahente ng NBI dala ang kahon- kahong dokumento ng kasong isasampa laban kay Teves.
“Alam ko siya (Arnie Teves) muna rito sa complaint na ‘to (the complaints are only for Arnie Teves) because the decision is still ongoing for other cases and the other suspects in other roles and other crimes,” ani Remulla.
Samantala, sinabi ni Remulla na ang ginawang di pag- uwi ni Teves ay isang indikasyon na ito ay guilty.
“Ang alam kasi namin, ticketed na siya. Basta, we have sources to tell us his movements. We will not release it if we do not have any reasonable ground to believe that something was going to happen, something may happen and that’s part of it. We have our sources to tell us what the facts are,” ayon kay Remulla bilang reaksiyon sa pahayag ng kampo ni Teves na ‘fàke news’ ang ulat na Siya ay uuwi na ng bansa.
“If he doesn’t come home, well, flight is an indication of guilt. By any language, by any jurisdiction, by any legal system, flight is an indication of guilt, “dagdag ni Remulla.
Ayon pa kay Remulla , isisilbi na lamang ang subpoena kay Teves at maghahain siya dapat ng counter- affidavit pero kung wala siya at talagang hindi uuwi ay isasampa na lamang sa korte ang kaso laban sa kanya.
Idinagdag pa nito na magpapalabas na lamang ng arrest warrant laban kay Teves kahit na wala siya sa bansa.














