NAGKUKUMAHOG ngayon ang ibat-ibang search and rescue units maging ang mga nagsasagawa ng Humanitarian Assistance and Disaster Relief operation sa mga lugar na sinalanta ng Severe Tropical Storm Kristine na nag-iwan ng 116 patay, habang nasa 29 ang reported missing ayon sa datos ng National Disaster Risk reduction Management Council, kahapon ng umaga.
Ito ay sa gitna ng naka-ambang banta ng panibagong bagyo na posibleng tumama sa Pilipinas sa mga susunod na araw habang hindi pa rin lubusang nakakabangon ang maraming lugar bunsod ng ilang araw na pananalasa ng bagyo.
Pinangangambahang patuloy na madaragdagan ang bilang ng casualties sa pananalasa ng nagdaang Bagyong Kristine
Sa datos ng NDRRMC, nasa 155 na ang bilang ng pinaniniwalaang namtay at nawawala, habang nasa 109 naman ang sugatan base sa mga nakakalap na report na kailangan munang sumailalim sa validation ng Office of Civil Defense.
Ayon sa NDRRMC, ang reported figure na nasa kanilang infographic ay hindi kasama sa kanilang inilalabas na situational report.
Samantala, higit 1.6-M pamilya o katumbas ng mahigit 6.7-M indibidwal ang apektado ng bagyo mula sa 10,147 na mga barangay sa Region 1 (Ilocos Region), Region 2 (Cagayan Valley), Region 3 (Central Luzon), CALABARZON, MIMAROPA, Region 5 (Bicol), Region 6 (Western Visayas), Region 7 (Central Visayas), Region 8 (Eastern Visayas), Region 9 (Zamboanga Peninsula), Region 10 (Northern Mindanao), Region 12 (SOCCSKSARGEN), CARAGA, BARMM, CAR at NCR.
Sa nasabing bilang, mahigit kalahating milyong indibidwal pa rin ang pansamantalang nanunuluyan sa iba’t ibang evacuation centers sa bansa. Nasa 160 siyudad at munisipalidad na rin ang nasa ilalim ngayon ng state of calamity.
Kaugnay nito, halos P700-M na ang halaga ng tulong na ipinagkakaloob ng pamahalaan sa mga apektadong residente na kinabibilangan ng family food packs, damit, gamot at maraming iba pa.
Hinagupit ni Tropical Storm Kristine ang bansa nitong nakalipas na linggo na lumikha ng malawakang pagbaha , landslides at pagkawasak ng mga pananim at ari-arian, habang mahigit kalahating milyong pamilya naman ang apektado.
Nasa 160 lungsod at bayan naman ang idineklarang nasa state of calamity para makalikom ng dagdag na disaster funds at price freeze sa mga basic goods.














