Latest News

Pasya ni PRRD na panatilihin ang E-Sabong, binatikos ng Obispo

NAGPAHAYAG ng pagkadismaya si Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo sa desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na huwag ipatigil ang operasyon ng mga Online-Sabong (E-Sabong).

Nauna rito, sinabi ng Pangulo na nakakabuti at kailangan ng pamahalaan ang nasisingil na bilyong piso na halaga mula sa mga operasyon ng E-Sabong.

Ayon sa Pabillo, hindi tama ang dahilan ng pangulo dahil ipinapakita nito na tanging ‘pera’ ang kapalit ng buhay ng mamamayan na nalululong sa pagsusugal.


Sinabi rin ng Obispo na mas pinahalagahan ng Pangulong Duterte ang pera kaysa sa buhay ng nawawalang mahigit sa 30-indibidwal na inuugnay sa online sabong.

“Yung reasoning ng ating pangulo ay hindi maganda, lumalabas na pera lang ang konsiderasyon. Basta may pera o kaya dadating ang isang activity na maaring magkaroon ng masamang epekto sa buhay, yun nga dapat sana itigil muna yon at imbestigahan nasaan yung 31 na nawawala, ano yung mga ill-effect nito sa buhay ng tao na maraming nalululong? Hindi dapat pera ang unang konsiderasyon, ang unang konsiderasyon ay kabutihan ng tao. Ang ganyang reasoning ay mali, pinagbibili natin ang ating bayan dahil lamang sa pera. Kaya dapat pag-aralan ng maayos at talagang hindi tiyakin kung ito’y nakakatulong ba sa moralidad ng tao o hindi,” pahayag pa ng obispo, sa panayam ng church-run Radio Veritas nitong Huwebes.

Iginiit rin ni Pabillo na dapat isaalang-alang ng pamahalaan ang ikabubuti ng mamamayan sa pamamagitan ng pagpapatigil ng operasyon at pagkakaroon ng masusing pag-aaral sa tunay na epekto ng Online Sabong.

Naninindigan ang Obispo na kailanma’y hindi makakabuti sa mamamayan at pamilya ang anumang uri ng sugal dahil nagdudulot ito ng epekto na kapareho ng pagkalulong sa ilegal na droga.


“Matagal ng paninindigan ng simbahan yan, na ang sugal ay hindi nakakatulong- nakakasira sa karakter ng tao nakakasira sa maraming pamilya, nagiging dahilan ng korapsyon at ganun din ng pang-aabuso sa kapwa tao kaya in general ang lahat ng gambling ay masama, hindi lang entertainment yaan ay habbit na tulad ng pagdo-droga yan ay masama, nakakasira ng buhay ng tao, nakakasira ng pamilya at nagugulo ang karakter ng isang tao,” aniya pa.

Ipinanalangin din ni Pabillo na unahin ng mga lider ng Pilipinas ang kapakanan ng mamamayan kasabay ng panghihimok sa bawat isa na ipinalangin rin na ipag-adya ng Panginoon ang kanilang kapwa mula sa pagkalulong sa masamang bisyo.

Nanawagan rin siya sa mga mamamayan na ipagdasal na ligtas ang mga nawawalang indibidwal at kapayapaan ng isip ng mga pamilyang nag-aalala sa mga nawawala.

“Ang prayer po natin sa Panginoon na dapat yung mga leaders natin ay talagang bigyan ng halaga ang kapakanan ng tao, tapos ipagdasal din po natin ang mga kababayan natin na sana hindi sila malulong sa anumang klaseng bisyo. Sana po itong mga nawawala ay matagpuan na at ipagdasal natin ang mga pamilya na nag-aalala na sana po sila ay maging matatag at hindi mawalan ng pag-asa,” aniya pa.


Una nang isinulong sa Senado ang pagpapatigil ng operasyon ng online sabong na binara naman ng Pangulong Duterte. (ANDOY RAPSING)

Tags:

You May Also Like

Most Read