MAAARING madagdag pa umano ang kasong illegal possession of undocumented or loose firearms laban kay Kingdom of Jesus Christ leader Pastor Apollo Quiboloy, ngayong kanselado na ang mga lisensya ng mga high-powered firearms na nasa pag- iingat nito.
Ayon kay Fajardo, tuluyan nang binawi ng PNP ang license to own and possess firearms O LTOPF ni Quiboloy.
Ito ay matapos na aprubahan at lagdaan na ni PNP chief General Rommel Marbil ang naging rekomendasyon ng PNP Firearms and Explosives Office na i-revoke ang lisensya sa pagmamay-ari ng mga armas ng self-proclaimed son of god.
Inihayag pa ng PNP na naging masusi ang ginawang pagsusuri ng legal team ng Office of the Chief PNP sa naturang rekomendasyon.
Walang inilabas na basehan sa nasabing rekomendasyon maliban sa mga kasong kinakaharap ni Quiboloy sa Senado at sa korte para sa pag-apruba sa revocation ng lisensya sa armas ng pastor na itinuturing ngayong pugante.
Kaugnay nito, agad umanong ipatutupad ng FEO ang naturang kautusan at bibigyan ang pastor ng pagkakataon na kusang isuko ang kanyang mga armas sapagkat itinuturing na ang mga ito bilang ‘loose firearms’ matapos na kanselahin ang kanilang LTOPF.
Kung maaalala, una na ring napaulat na mayroong kabuuang 19 na mga armas na nagkakahalaga ng ilang million ang nakarehistro sa ilalim ng pangalan ni Quiboloy kung saan ang lahat ng ito saklaw ng kanyang mga binawing lisensya.
Si Quiboloy ay nahaharap sa kasong sexual abuse at human trafficking at patuloy na tinutugis ng mga awtoridad dahil sa pagiging pugante.
Bukod sa mga nasabing kaso sa Pilipinas, wanted din umano ang pastor sa Amerika kung saan may mga kasong nakasampa rin laban sa kanya.