Sinabi ng pamunuan ng Philippine National Police na mananatili ang leader ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na si Apollo Quiboloy at ang kanyang apat na kapwa akusado sa PNP Custodial Center sa Camp Crame, sa kabila ng utos ng korte para sa kanilang paglipat sa Quezon City Jail.
Ito ang inilabas na tugon ni Col. Jean Fajardo, ang tagapagsalita ng PNP, kasabay ng pahayag na may inilabas ding court order ang Pasig regional Trial Court na nag-uutos naman ng pananatili nila Quiboloy at ibang kapwa akusado nito sa PNP Custodial Center.
“Meron din pong inilabas na order ang RTC Pasig directing the PNP to retain the custody nitong mga nasabing indibiduwal dahil yung kaso po nila sa Pasig po ay non-bailable po,” aniya.
“So we don’t want to run the risk na ilipat po sila doon sa QC tapos mag-bail po sila. Wala na pong kontrol ang PNP doon. We just have to really harmonize po itong mga court order na ito,” ani Col Fajardo sa isang pulong balitaan.
Si Quiboloy at ang kanyang apat na kapwa akusado ay nahaharap sa qualified human trafficking charges sa Pasig Regional Trial Court Branch 159.
Nilinaw pa niya na ang mga paglabag sa ilalim ng Republic Act 9208 o ang Anti-Trafficking of Persons Act of 2003 ay ‘non-bailable’.
Sa isang commitment order na may petsang Setyembre 9, 2024, iniutos ni Quezon City Regional Trial Court Branch 106 Presiding Judge Noel L. Parel sa PNP na ilipat si Quiboloy at ang kanyang apat na kapwa akusado sa Quezon City Jail.
Inatasan din ang hepe ng Philippine National Police Headquarters Support Service na “ilipat at i-commit” sina Quiboloy at Cresente Canada sa New Quezon City Jail sa Payatas Road.
Ang tatlong babaeng kapwa akusado ni Quiboloy na sina Jackielyn Roy, Ingrid Canada at Sylvia Cemanes ay iniutos na ilipat sa Quezon City Jail – Female Dormitory sa Camp Karingal.
Samantala, sakaling matuloy ang paglilipat sa mga akusado ay tiniyak naman ng Bureau of Jail Management and Penology na ituturing na ordinaryong akusado si Quiboloy.
Ito ang ipinalabas na pahayag ni JCSupt. Russel Clint Tangeres, Bureau of Jail Management and Penology National Capital Region (BJMP-NCR) Regional Director, matapos ipag-utos ng Quezon City Regional Trial Court o QC-RTC branch 106 ang paglilipat kay Quiboloy at sa apat pa niyang kasamang akusado patungong QC jail mula sa PNP Detention Facility.
Mahigpit ang tagubilin ng BJMP-NCR sa QC jail warden na walang VIP treatment kina Quiboloy pero pinasisiguro din ang seguridad at kaligtasan ni Quiboloy at iba pang mga kasamahan.
Kaugnay nito ay patuloy na nakikipag-ugnayan ngayon ang pamunuan ng PNP at maging ng Department of National Defense maging ang Armed Forces of the Philippines sa Department of Justice hinggil sa isyu ng kustodiya nina Quiboloy.














