TULUYAN nang binawian ng buhay kamakalawa ng gabi ang apat na taong gulang na bata na kasamang tinamaan ng bala sa isinagawang pananambang sa isang photojournalist ng pahayagang Remate sa Quezon City.
Magugunitang hapon ng Huwebes nang harangin at pagbabarilin ng apat na hindi pa nakikilalang salarin ang Ford Everest na sinasakyan ni Rene Joshua Abiad, photographer ng pahayagang Remate, kasama ang kanyang kapatid at mga pamangkin, na nadamay rin sa insidente.
Kasunod ng pagkamatay ng bata, nanawagan ang pamilya Abiad na huwag sanang malihis ang imbestigasyon ng mga awtoridad, lalo’t may pumanaw na sa mga nabaril.
“Malinaw naman po talaga na talagang na-surveillance kami maigi para malaman saan nakaupo si [Rene] Joshua,” sabi ng kaanak ng mga biktima.
“Maraming misleading info, nawawala na context ng kaso, parang hindi alam saan nanggagaling info na wala naman kami nilalabas na ganoon info,” dagdag niya.
Agad na bumuo ng special investigation task group ang Quezon City Police District para matutukan ang kaso.
Todo-bantay na rin ang mga pulis sa bahay ng pamilya Abiad.
Kampante ang mga opisyal ng QCPD na malapit nang magkaroon ng resolusyon ang kaso ng pamamaril.
“Mas malinaw ang nakuha namin mga [CCTV] footage,” ani QCPD Director Brig. Gen. Nicolas Torre III.
Samantala, ayon sa pamilya Abiad, may isa umanong nagmalasakit na indibiduwal na nagsabing handa itong magbigay ng P100,000 pabuya sa sino mang makapagtuturo sa mga salarin.