May dalawang kilometro ang layo sa kanilang bahay nang matagpuan ang wala nang buhay na siyam na taong gulang na bata, matapos siyang iwan ng kanyang ina na naliligo sa irrigation canal sa Purok Lopues, Barangay Dulao, Bago City, Negros Occidental nitong nakalipas na linggo.
Lumalabas sa pagsisiyasat na kasama ng paslit ang kanyang ina nang maligo sa irrigation canal.
Sandal itong iniwan ng nanay para bumalik sa kanilang bahay para tugunan naman ang pangangailangan ng isang-taong gulang na anak.
Matapos na maaruga ang nakababatang kapatid ay binalikan na ng kanyang ina ang biktima sa irrigation canal subalit hindi na nito makita ang anak.
Matapos ang ilang oras ay natagpuan ang katawan ng biktima na wala nang buhay sa Purok Paho, Barangay Dulao, may dalawang kilometro ang layo mula sa kanilang bahay.
Sinubukan pang itakbo sa Bago City Hospital ang bata subalit idineklara na rin itong patay ng attending physician.
Posible umanong natangay ng malakas na daloy ng irigasyon ang batang biktima.














