Tuluy-tuloy pa rin ang operasyon ng mga tren ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ngayong holidays.
Ito ay batay na rin sa Pasko Schedule 2023 na inilabas ng MRT-3 nitong Huwebes.
Sa abiso ng MRT-3, nabatid na magpapatupad sila ng regular weekday schedule sa Disyembre 15, 18-22, 26-29, 2023 at Enero 2-3, 2024.
Sa naturang schedule, ang first trip ng tren mula sa North Avenue Station, Quezon City ay aalis ng 4:30AM habang 5:05AM naman mula sa Taft Avenue, Pasay City.
Ang last trip naman ng tren mula sa North Avenue ay aalis ng 9:30PM habang 10:09PM naman mula sa Taft Avenue.
Samantala, weekend schedule naman ang gagamitin para sa Disyembre 16, 23, at 30 kung saan ang first trip ng tren mula sa North Avenue ay aalis ng 4:37AM habang 5:18AM naman sa Taft Avenue.
Ang last trip naman mula sa North Avenue ay 9:30PM habang 10:08PM mula sa Taft Avenue.
Ipaiiral naman ng MRT-3 ang regular Sunday schedule sa Disyembre 17 o 4:38AM na first trip mula sa North Avenue at 5:19AM sa Taft Avenue.
Ang last trip naman mula sa North Avenue ay 9:30PM habang 10:09PM mula sa Taft Avenue.
Anang MRT-3, adjusted naman ang operating hours para sa araw mismo ng Pasko at Bagong Taon o 6:30AM na unang biyahe mula sa North Avenue Station at Taft Avenue Station at 9:30PM na last trip mula sa North Avenue at 10:09PM na last trip mula sa Taft Avenue.
Adjusted operating hours din ang ipaiiral sa bisperas ng Pasko at Bagong Taon o first trip na 4:38AM mula sa North Avenue at 5:19AM naman sa Taft Avenue habang ang last trip mula sa North Avenue ay 7:45PM at 8:23PM naman mula sa Taft Avenue.














