Latest News

PASAHERONG LALAKI, ARESTADO SA NAIA DAHIL SA DALANG BARIL AT BALA

By: Jerry S. Tan

Isang 70-anyos na lalaking pasahero ang nahuli sa NAIA Terminal 3, Pasay City dahil sa paglabag sa Republic Act No. 10591 o “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.”

Batay sa ulat ng NAIA Police Station 3, Aviation Security Unit NCR, tinangka ng suspek na mag-deposito ng Caliber .22 Ruger Pistol na may isang magazine assembly at isang Caliber .45 Thompson Pistol na naglalaman ng tatlong piraso ng magazine at dalawampung basyo ng bala bago umalis, sa firearms booth ng NAIA Terminal 3.

Sa beripikasyon ay napag-alaman na hindi tumugma ang mga Permit to Carry Firearms Outside of Residence (PTCFOR) sa serial number ng mga baril at tila pinakialaman umano ang serial number.


Ito ang nag-udyok sa Duty Firearms Facilitator na magsagawa ng pag-aresto laban sa nasabing indibidwal at ito ay binasahan ng kanyang Constitutional Rights alinsunod sa Senate Bill 2199 o ang Body-Worn Camera Act.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng NAIA Police Station 3 ang suspek para sa kaukulang disposisyon at pagsasampa ng kaso habang ang mga nasamsam na baril at bala ay gagamitin bilang pansuportang ebidensya laban sa kanya.

Pinapurihan ni PNP-AVSEGROUP Director PBGen Christopher Abrahano ang pangunahing puwersa ng pulisya ng paliparan para sa hindi natitinag na pagsisikap nito sa pagtiyak ng seguridad at kaligtasan ng aviation.

Tiniyak din ni PBGen Abrahano na ang PNP AVSEGROUP ay mananatiling nangunguna sa pagtataguyod ng batas sa lahat ng paliparan sa buong bansa.


Tags: NAIA Terminal 3, Pasay City

You May Also Like

Most Read