Isang pasahero ang iniulat na nasugatan nang magbanggaan ang isang passenger vessel at isang barge sa Isla Verde, Batangas kahapon ng madaling araw.
Napag-alaman kay Rear Admiral Armand Balilo, spokesman ng Philippine Coast Guard (PCG) na ang 26-anyos na pasahero na hindi pinangalanan ay nagtamo ng sugat sa itaas na bahagi ng kanang mata at itaas na kanang bahagi ng labi.
Ayon sa ulat ng PCG, ala-1:45 ng madaling araw nang maganap ang banggaan ng MV Fastcat M19 at Barge Krizza Rica, may 2 nautical miles sa southeast ng Brgy. Agapito.
Galing umano ang MV Fastcat M19 mula sa Batangas Port at patungo sana sa Calapan Port, Oriental Mindoro nang maganap ang kolisyon. May lulan itong 47 crew members at 41 passengers, kabilang ang biktima.
Ang Barge Krizza Rica naman ay nagmula umano sa Balayan, Batangas at patungong Semirara Island sa Caluya, Antique habang may sakay na 300 sako ng semento at itinu-tow ng Motor Tug Migi na mayroong 17 tripulante.
Nagresulta umano ang banggaan sa pagkakapinsala sa passenger deck ng passenger vessel habang nakitaan naman ng mga gasgas ang port bow ng barge.
Ipinag-utos na ni PCG commandant Admiral Ronnie Gil Gavan ang inspeksiyon hinggil sa pinsalang idinulot ng bangaan at kung ano ang sanhi ng aksidente.