Latest News

PARTY-LIST NA MAY ADBOKASIYA , KAHIT DI ‘MARGINALIZED’, PWEDE

MAAARING makabilang sa halalan ang isang party-list group kahit hindi ito maikukunsidera na ‘marginalized’ basta may isinusulong itong adbokasiya, ayon sa isang opisyal ng Commission on Elections (Comelec) kahapon.

Tugon ito ni Election Commissioner Aimee Ferolino sa kritisismo ng grupong Kontra Daya sa Comelec ukol sa hindi umano makatwirang pag-apruba sa mga party-list group na hindi miyembro ng ‘marginalized sector’ ang mga kandidato at galing sa mga mayayamang pamilya.

Iginiit ni Ferolino na ginagabayan ang desisyon nila sa party-list groups ng mga ‘criteria’ at pangangailangang dapat mapunuan sa pagbibigay nila ng akreditasyon.

“Aside from that we have the Atong Paglaum case which is the case that sets guidelines that a party, a group need not be marginalized as long as it has advocacies,” ayon kay Ferolino.

May kalayaan naman umano ang mga botante kung anong party-list ang kanilang iboboto o hindi.

Ayon sa Kontra Daya, nasa 120 sa 177 party-list groups ang natukoy nila na ginagamit ng mga pamilyang politikal, malalaking negosyo, nakaupong lokal na politiko at maging mga may kaugnayan sa militar para makapasok sa politika sa pamamagitan ng ‘back-door’ at maisulong ang kanilang personal na interes at hindi ng nirerepresenta nilang grupo.

May ilan pa umano sa mga nominees ay may kinakaharap sa kasong kriminal sa korte at may mga sangkot pa sa ‘pork barrel scams’. (Jaymel Manuel)

Tags:

You May Also Like

Most Read