Inaalam ng mga imbestigador ng Manila Police District-homicide kung nakasagutan ng isang parking attendant o may kinalaman sa iligal na droga ang motibo ng suspek na bumaril at nakapatay sa kanya ,kamakalawa ng madaling araw sa may panulukan ng Orosa St. at United Nation Avenue ,Ermita,Maynila.
Namatay noon din ang biktima na nakilala lamang sa alyas na Arman, at walang tiyak na tirahan.
Sa imbestigasyon ng MPD-hs ,naganap ang insidente alas 2:15 ng madaling araw sa nabanggit na lugar.
Ayon kay Francis Abela, 42, parking boy na kasamahan ng biktima, nakaupo umano siya sa tabi ng Gracias Foods from Heaven Restaurant, sa nasabing lugar, nang makarinig ng 2 putok ng baril.
Nakita na lamang umano nito na naglalakad papalayo ang suspek na ilang metro lamang ang layo sa lugar nang pinangyarihan ng pamamaril at sumakay sa isang Toyota Vios na kulay pula at walang plaka.
Nabatid ba naka park ang ginamit nitong get away vehicle patungo sa direksyon ng Roxas Boulevard.
Nagbakasakali ang Tactical Motorized Reaction’s Unit na matukoy ang tumakas na gunman habang sinusuri nito ang CCTV sa mga dinaanan nito pero bigo ang mga operatiba na matimbog ang salarin. (Carl Angelo)