IPINAG-UTOS na ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Rodolfo Azurin, Jr., ang pagsibak sa serbisyo kay Police Master Sgt. Rodolfo Mayo, Jr. na nahulihan ng halos isang toneladang shabu sa isinagawang anti-narcotics operation sa Tondo, Maynila.
Tiniyak ni Gen. Azurin na dumaan sa tamang proseso ang ibinabang dismissal order laban kay Mayo, kasapi ng PNP-Drug Enforcement Group Intelligence Unit
Matatandaan na si Mayo ay nahulihan ng may 990 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P6.7 billion sa pagmamay-ari nitong lending shop sa Maynila.
Bago arestuhin si Mayo, sinalakay at narekober ng PDEG ang mahigit 990 kilo ng shabu na may halagang P6.7 bilyon sa Tondo, Manila.
Sa follow up operation, si Mayo ay inaresto noong October 2022 ng mga kasamahan sa PDEG matapos makuhanan ng mahigit P13-milyong halaga ng shabu.
Si Mayo ay ipinatapon sa Mindanao noong 2016 subalit muli itong nakabalik sa PNP Headquarters at itinalagang intel officer ng PNP Drug Enforcement Group.
Naging mainit ang kaso ni Mayo nang umano tangkain kupitan ng tatlong pulis ng 42 kilos ang nasamsam na droga subalit naibalik ito sa PNP matapos na makuha sa isang abandonadong sasakyan sa may harapan ng isang gusali malapit sa gate ng Camp Crame.
Sa mga naglabasang ulat ay sinasabing itinabi lamang ang 42 kilos ng droga bilang kabayaran sa kanilang assets na naging instrumento para mahuli ang halos isang toneladang shabu. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)














