PATAY at may tama ng punglo sa ulo nang matagpuan ang isang tauhan ng Philippine National Police-Police Regional Office 5 na umuwi lamang mula sa burol ng kanyang misis na pinatay din ng mga di pa nakikilalang salarin, tatlong araw lamang ang nakalilipas.
Sa impormasyong ibinahagi ni Police Lt. Col Malou Calubaquib, tagapagsalita ng PNP-PRO5, natagpuan ang duguang bangkay ni Police Officer Samuel Baruelo, Jr., 31, bandang 1:30 kamakalawa ng hapon na may tama ng bala ng baril sa ulo sa Barangay Buenasuerte, matapos na magpaalam na uuwi lang sandali para maligo.
Sa galit ay mahigpit na ipinag- utos ni Police Brigadier General Andre Perez Dizon, Bicol regional police director, na alamin ang pagkakakilanlan ng mga suspek na pumatay sa mag-asawa at tugisin ang mga ito.
Lumitaw sa paunang imbestigasyon na umalis ng bahay na pinagburulan ng kanyang asawa ang biktima para sana maligo ngunit hindi na ito nakabalik sa lamay.
Sa paghahanap ay natagpuan ng mga kamag-anak ang duguang katawan ng pulis sa creek.
Napag-alaman na Lunes, Marso 4, ay binaril at napatay ang kanyang asawa na si Cheryl, sa Barangay Bagumbayan sa Masbate City.
Naglalakad umano pauwi ng bahay ang ginang nang lapitan ng dalawang hindi pa nakikilalang mga gunman at saka pinaputukan nang malapitan sa ulo.
Narekober ng pulisya ang basyo ng bala at isang slug sa lugar.
Si Police Officer Baruelo ay kasalukuyang nakatalaga sa 1st Masbate Provincial Mobile Force Company.
Ayon kay Col . Calubaquib, inaalam pa nila ang motibo sa pagpatay at kung magkarugtong ang dalawang insidente.