Nakatakdang i-upgrade ng Bureau of Immigration (BI) ang mga electronic gates o e-gates sa mga international airports sa bansa.
Ayon sa BI, layunin nitong paikliin ang processing time ng mga pasahero.
Sinabi ng BI na sa tulong ng pag-upgrade, makakaasa ang mga pasaherong darating sa bansa na aalisin na ang proseso nang pag-scan sa kanilang boarding passes kung gagamit sila ng e-gates, kaya’t mababawasan na ang kanilang processing time.
Ani Immigration Commissioner Norman Tansingco, kasalukuyan nang nagsasagawa ang ahensiya ng integrasyon ng mga datos ng mga airlines upang ikonekta sa e-gates.
Paliwanag niya, nakatanggap rin sila ng ulat na may ilang pasahero ang hindi makagamit ng e-gates dahil ang kanilang flight records ay wala pa sa sistema.
Pahayag pa ni Tansingco,“Our e-gates are also being reconfigured to be label-free.”
Dagdag niya, sa halip na mag-print ng sticker na ididikit sa passport ng pasahero ay makakatanggap na lamang ang mga ito ng email na nag-a-acknowledge o kumikilala sa kanilang pagdating.
“This is the best practice that we are emulating from other countries,” ani Tansingco.