INATASAN ni Philippine National Police Chief General Rommel Francisco Marbil na bumaba ang lahat ng police commander sa mga komunidad lalo na sa kanayunan, ilang araw bago ang gaganaping 2025 midterm elections.
Ayon kay Marbil, kailangang tiyakin na magiging maayos at mapayapa ang nalalapit na eleksyon kaya ipinag utos nito ang pagbaba ng mga hepe ng kapulisan sa grassroot level at magkaroon ng tuloy tuloy na ugnayan sa pamayanan lalo na sa mga local government units.
Paglilinaw ng PNP chief, ang pagiging neutral ng mga pulis ang susi sa matagumpay na eleksyon batay na rin sa survey ng kanilang Police Community Relations.
Ayon kay Marbil, dapat ay makaboto nang walang takot ang mga botante at matiyak na sila ay protektado.
Sinasabing sa pagbaba ng mga commander, masasawata ang vote-buying at matitiyak ang eleksyon na may integridad at payapa mula sa anumang banta.
Una nang tiniyak ni Marbil na ang buong puwersa ng kapulisan ay handang panatilihin ang kapayapaan at kaayusan ngayong election period: “Katuwang natin ang COMELEC at iba pang ahensya ng gobyerno upang masiguro na marerespeto ang boses ng mamamayan at hindi mapipigil ng karahasan ang halalan,”
Bilang pagsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa maayos at ligtas na pagdaraos ng 2025 National and Local Elections, isinailalim na umano sa Full Alert Status ang buong hanay ng pambansang kapulisan nitong nakalipas na linggo.
Simula Sabado May 3, 2025, naka-full alert na ang buong PNP para tiyaking magiging mapayapa, malinis, at maayos ang darating na halalan
“Walang puwang ang karahasan at pananakot sa isang demokratikong proseso,” ani Marbil.
Inilagay sa full alert status ang buong puwersa ng PNP noong Sabado hanggang 11:59 PM ng May 15, 2025—siyam na araw bago ang nakatakdang halalan sa May 12, 2025.