PINAGPAPALIWANAG ngayon si Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) spokesperson Winston Casio hinggil sa kumalat na video ng pananampal sa isinagawang pagsalakay ng PAOCC sa isang Philippine offshore gaming operation (POGO) hub sa Bagac, Bataan.
Agad na sinibak sa kanyang puwesto si Casio at isinailalim sa administrative probe, kasunod ng sinasabing pagmaltrato sa isang Filipino national sa sinalakay na POGO hub noong Oktubre 31, 2024.
Kinumpirma kahapon ni Executive Secretary Lucas Bersamin na ipinag-utos kay Casio na: “explain actuations in writing.”
Sinasabing ito ang naging basehan ng pamunuan ng PAOCC na magpalabas ng memorandum na nagbibigay sa kanya ng 24 oras para magsumite ng ‘written explanation.’
Isinasaad din sa memorandum na si Casio ay “relieved of [his] responsibilities as spokesperson for PAOCC effective immediately and until the completion of the investigation.”
“The incident occurred following the execution of a Search Warrant at that location and is reported to have been documented, with the footage now circulating on social media platforms,” ayon pa sa memorandum.
“Your immediate response is crucial, as it will significantly influence the Office’s consideration of any subsequent actions. It is critical for you to comprehend that any failure to provide your explanation will be deemed a waiver of your right to contribute to this process,” nakasaad pa rito.