Panuntunan sa ‘nuisance candidate,’ amiyendahan

NANAWAGAN si Commission on Elections (Comelec) chairperson George Garcia nitong Lunes sa Kongreso na amyendahan na ang polisiya ukol sa mga ‘nuisance candidates’ na nagnanais na makapasok sa serbisyo-publiko.

Sinabi ni Garcia na maaaring ito na ang tamang oras para umaksyon ang Kongreso at i-update ang depinisyon ng isang ‘nuisance candidate’.


Ito ay makaraan ang desisyon ng Supreme Court na nagsasaad na ang hindi pagiging popular at hindi pagiging miyembro ng isang partidong politikal ay hindi sapat na basehan para ideklara ang isang nagnanais na tumakbo sa halalan bilang isang nuisance candidate.

“Baka po at marapat din na amyendahan na natin ang probisyon ng ating batas patungkol sa nuisance candidacy [para] mas mai-strengthen natin ito at the same time, atin na pong itugma ito sa mga umiiral na desisyon ng Korte Suprema,” saad ni Garcia.

Sa kasalukuyan base sa Comelec Rules of Procedure Part V, Rule 24, ang isang kandidato ay maituturing na walang “bona fide” na intensyon na tumakbo para sa isang pampublikong opisina kung gumagawa siya ng “mockery or disrepute” o magdudulot ng kaguluhan sa mga botante sa pamamagitan ng pagkakapareho ng inirerehistro nilang pangalan o sa kanilang mga aksyon.


Maaari itong magresulta sa pagtukoy sa kaniya bilang isang “nuisance candidate” at pagkansela ng kaniyang “certificate of candidacy”.

Habang nakabinbin ang usapin, sinabi ni Garcia na ipatutupad pa rin ng Comelec ang “totality rule” sa pagdetermina sa mga kandidato kung sino ang mga kuwalipikado na tumakbo sa halalan. (Anthony Quindoy)


Tags: Commission on Elections (Comelec) chairperson George Garcia

You May Also Like