MAY posibilidad na muling magkaroon ng COVID 19 surge kung may makakapasok na panibagong “immune-escaping variant” ng coronavirus sa bansa at dahil sa pagbaba na rin ng immunity ng mga tao para malabanan ang mababagsik na variants sa bumabang epekto ng bakuna.
Ito ang ibinabala ni Department of Health (DOH) Epidemiology Bureau chief Dr. Alethea de Guzman bilang tugon sa katanungan na maari bang maging sanhi ng surge ang nakapasok na BA.2.12.1 variant sa bansa.
Nabatid na 17 indibiduwal ang na detect na may BA.2.12.1 variant.
“Kung, number one, may papasok ngang bagong variant of concern na mas transmissible at tinatawag nating immune-escaping, meaning yung epekto ng bakuna ay mas mababa,” ani de Guzman.
“At kung ang ating immunity wall dala ng full vaccination or boosters ay bababa, yun ang magiging dahilan para bigla at magkaroon tayo ng mataas na dami na naman ng kaso at admissions,” dahdag pa ng opisyal.
Sinabi ni De Guzman, ang BA.2.12.1 variant ay 20% – 27% mas nakakahawa at isa rin immune-escaping. (Philip Reyes)