CAMP SIONGCO, Awang, DOS, Maguindanao – Aasahan ng mga dating Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF combatants ang serbisyong ibibigay ng programang Tulong ng Gobyernong Nagmamalasakit o TUGON.
Sinabi ni Ministry of Interior and Local Government Marvin Mokamad MILG Internal Affairs Services ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na sa pamamagitan ng TUGON program ay isasailalim sa profiling ang mga nagbalik-loob na mga dating BIFF combatants.
Matapos nito ay bibigyan sila ng mga puhunan sa negosyo o kabuhayan na nais nilang palaguin at housing na nagkakahalaga ng P650,000.
Ginawa ni Mokamad ang pahayag sa isinagawang presentation ng labintatlong mga biktima ng terrorist ideology at circumstances na ginanap sa Headquarters ng 1st Brigade Combat Team na nasa Brgy. Pigcalagan sa bayan ng Sultan Kudarat, Maguindanao nitong ika-19 ng Oktubre.
Layon nito na lalo pang mahikayat ang iba pang mga biktima ng teroristang ideolohiya at sirkumstansiya na magbalik loob sa gobyerno.
“Nais natin na maramdaman ninyo ang presensiya ng gobyerno sa pamamagitan ng TUGON program”, pahayag pa ni Ginuong Mokamad.
Suportado naman ng iba’t-ibang mga punong ehekutibo at mga stakeholders ang nasabing programa.
Nabatid na iprenisinta ang labintatlong mga biktima ng maling ideolohiya kay 1BCT Commander Colonel Leodivic Guinid katuwang ang mga alkalde at kanilang kinatawan sa nasabing seremonya.
Sa nasabing bilang, 7 ang mula sa Midsayap, North Cotabato; 2 sa Datu Salibo, 2 Datu Unsay at 2 sa Mamasapano lahat sa Maguindanao.
Isinuko din nila ang bitbit nilang labindalawang iba’t-ibang matataas na armas na kinabibilangan ng: isang 60mm mortar, tatlong 7.62 Sniper Rifle, tatlong 40mm M203, dalawang 5.56 mm M16A1, isang Cal. 50 Barret, isang Cal. 30 M1 Garand at isang pistol Cal. 45 bilang simbolo ng tuluyang pagtalikod ng mga ito sa dating armadong pakikibaka.
Kabilang sa mga dumalo ay sina Midsayap Mayor Rolly Sacdalan; Sultan Mastura Mayor Bong Panda; Mr. Justine Egualan bilang kinatawan ni Mayor Angel Rose Cuan ng Libungan; Mr. Unson Demaguil representante ni Datu Salibo Mayor Solaiman Sandigan.
Nagpahayag din ng kanilang suporta si Police Colonel Jeffrey Fernandez, ang Deputy Regional Director for Operations ng PRO-BAR; Ms. Sitti Janine Gamao ng Ministry of Public Order and Safety (MPOS) at iba pang mga bisita.
Sinabi naman ni Major General Roy Galido, Commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central na ang pagbaba ng armas at pagtalikod sa armadong pakikibaka ay malaking simbolo ng pagbibigay ng pagkakataon na manaig ang kapayapaan sa ating lugar. “Ako ay nagagalak sa desisyon ng ating mga kapatid na biktima ng maling ideolohiya sa magandang hakbang na ito. Salamat din sa suporta ng lokal na pamahalaan bilang katuwang natin sa pagpapalaganap ng kapayapaan at kaunlaran sa bahaging ito ng Mindanao”, pahayag ni MGen. Galido. (VICTOR BALDEMOR)














