PANGHIHINGI NG PERA SA KANDIDATO KAPALIT NG PANALO, SCAM – COMELEC

By: JANTZEN ALVIN

Nakatanggap umano ang tanggapan ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia ng ulat na may ilang tiwaling indibidwal ang nambibiktima ng mga kandidato na hinihingian ng milyun-milyong halaga kapalit ng tiyak na pagkapanalo sa 2025 National and Local Elections (NLE).


Ayon kay Garcia, scam lamang at walang katotohanan ang ulat na nakarating sa kanila na diumano, nag-iikot ang mga naturang indibidwal sa buong bansa at nanloloko ng mga kandidato o ‘prospective candidates’.

Diumano ay hinihikayat ng mga naturang indibidwal ang kanilang prospective victims na magbayad ng mula P50 milyon hanggang P100 milyon, kapalit ng tiyak na pagkapanalo sa halalan.

Ito ay sa pamamagitan ng pagpapaniwala sa kanilang target na biktimahin na may kakilala sila sa loob ng Comelec na kayang-kaya silang ipanalo sa eleksiyon.


Hinihikayat ni Garcia ang mga kandidato na huwag maniwala sa mga naturang indibidwal at sa halip ay kaagad na ipaaresto ang mga ito.

Ayon kay Garcia, walang paraan upang madaya ang resulta ng halalan dahil ang mga poll machines na gagamitin sa eleksiyon ay mayroong mga pamamaraan upang ma-countercheck kung magkakaroon ng ‘pagbabago’ ng resulta.


Tags: Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia

You May Also Like