Si (kaliwa) Vice Mayor Chi Atienza kasama ang mga magulang na sina Mayor Lito Atienza at maybahay nitong si Evelina.

PANGARAP NA TULAY, REGALO NI MAYOR ATIENZA SA KAARAWAN NI VM CHI

By: Jerry S. Tan

ISANG tulay na kanyang pinapangarap para sa mga taga-Maynila ang natanggap na sorpresang regalo ni Manila Vice Mayor Chi Atienza para sa kanyang ika-44 na kaarawan nitong Hulyo 26, 2025.

Ang regalong ito ay surpresang inihandog ng kanyang mga magulang na sina dating Mayor Lito Atienza at maybahay nitong si Ma. Evelina.


Napag-alaman sa kapatid nitong si Ali Atienza, kasalukuyang Director ng Philippine Fiber Industry Development Authority (PhilFIDA) , na naisipan ng kanilang ama, na dati ring hepe ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), na iregalo kay Vice Mayor Chi ang nasabing tulay dahil nabanggit umano nito na pangarap niya ito.

Ayon pa Director Ali, matagal na umanong dinarasal at hinihiling ng kanyang kapatid ang pagpapatayo ng tulay sa Barangay 125, na nasunugan noong Nobyembre 2024.

Ikinuwento pa ni Director Ali na noong panahon ng kampanya ay kinailangang tumuntong sa balsa ni Vice Mayor Chi at muntikan pa itong mahulog para lang mabisita ang mga residente ng apektadong lugar.


Mula noon ay pinangarap na umano nitong magkaroon ng tulay doon upang di mahirapan ang mga residente na noon ay kinakailangang gumamit ng balsa araw-araw upang makatawid lamang, na aniya ay lubhang mapanganib.

“Naalala ni Vice Mayor Chi na matapos niyang bisitahin ang lugar matapos ang sunog, siya ay napaiyak sa sitwasyon ng mga lolo’t lola at mga batang napilitang tumalon sa estero upang iligtas ang kanilang sarili. Sa panahong iyon, ipinangako niya na kapag siya’y nabigyan ng pagkakataong maglingkod, sisiguraduhin niyang magkakaroon ng tulay para sa kanila,” ayon naman sa post tanggapan ng bise-alkalde.


“Hindi lang ito simpleng hiling para sa kanyang kaarawan. Isa itong paalala na ang bawat proyektong natutupad ay para sa kapakanan ng mga Manileño — lalo na ang matagal nang nangangailangan ng tulong,” ayon pa sa post.

Pormal na pinasinayaan ang nasabing tulay sa gitna ng ulan at ito ay tinawag ni Vice Mayor Chi na “Tulay ng pangako, tulay ng pag-asa.”


Tags: Manila Vice Mayor Chi Atienza

You May Also Like