IPINANAWAGAN ni Manila Mayor Honey Lacuna sa lahat ng mga opisyal at kawani ng pamahalaang-lungsod na alagaan ang lahat ng pag-aari ng lungsod, maliit man o malaki.
Sa kanyang mensahe sa ginanap na flagraising ceremony nitong Lunes, sinabi ni Lacuna na ang lahat ng mga city properties ay binili gamit ang taxpayer’s money, kung kaya’t dapat itong alagaan na parang sariling pag-aari.
“Ito ay responsibilidad ng bawat isang tanggapan dito sa ating pamahalaan. Samakatwid, sana, ayusin po natin at siguraduhin na lahat ng pag-aari ng ating lungsod ay nagagamit nang wasto at napag-iingatan, dahil ito po ay gagamitin pa ng mga susunod na mamamahala sa ating lungsod,” pahayag ni Lacuna.
Kaugnay nito ay nagpahayag si Lacuna ng pasasalamat sa city general services office (CGS0) dahil sa ginagawa nitong pagtitiyak na nasa maayos na kondisyon ang lahat ng mga ari-arian ng lungsod.
Samantala, sinabi ni Lacuna na maram naing tanggapan ng pamahalaan sa National Capital Region (NCR) ang bumalik na sa 8 a.m. to 5 p.m. schedule.
Sa pagkakataong iyon ay tinanong ni Lacuna sa mga dumalo sa flagraising ceremony kung gusto nilang bumalik sa 8 a.m. na umpisa ng trabaho o manatili sa 7 a.m. schedule na pinaiiral sa kasalukiyan.
Ikinagulat ni Lacuna nang magtaasan ang kamay ng mga opisyal at empleyado upang piliin ang 7 a.m. to 4 p.m. schedule dahil anila, mas madali para sa kanila ang makarating at umuwi mula sa trabaho sa nasabing oras.
caption:
Si Mayor Honey Lacuna habang tinatanong ang mga empleyado at kawani kung anong oras nila gusto pumasok.














