PINAWI ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III ang pangamba ng publiko laban sa BA.2.12 subvariant ng Omicron variant ng COVID-19 na nakapasok na ngayon sa bansa.
Paliwanag ni Duque, hindi pa naman tinukoy ng World Health Organization (WHO) ang naturang subvariant bilang variant of interest o variant of concern.
“Wala pang dapat ipangamba sa BA.2.12 dahil hindi naman ito natukoy ng WHO bilang variant of interest at variant of concern,” ayon kay Duque, sa panayam sa radyo nitong Sabado.
Hinikayat rin niyang muli ang publiko na magpaturok na ng bakuna laban sa COVID-19 at huwag nang maghintay na magkaroong muli ng surge ng virus bago pumila sa mga bakunahan.
“Dapat magpa-booster na ngayon at ‘wag nang hintayin pa na magkaroon ng surge bago magpa-booster,” aniya.
Giit ng kalihim, maiiwasan ang pagkakaroon ng surge kung magiging maingat ang mga mamamayan, patuloy na tatalima sa mga health protocols at kung magpapabakuna laban sa COVID-19 upang magkaroon sila ng proteksiyon laban sa virus.
Una nang kinumpirma ng DOH na naitala na nila ang unang kaso ng Omicron BA.2.12 sa Baguio City.
Ito’y isang 52-anyos na Finnish na dumating sa bansa noong Abril 2 mula sa bansang Finland, at sinasabing nagkaroon ng 44 na close contact.
Asymptomatic anila ang pasyente, na magaling na ngayon at nakabalik na sa kanilang bansa.
Nilinaw naman ng Philippine Genome Center noong Biyernes na sa ngayon ay wala pa silang onward transmission ng COVID-19 Omicron sub-variant BA.2.12 na natutukoy sa bansa. (Jaymel Manuel)














