Isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang naghayag ng pasasalamat sa lahat ng mga aktibong nakilahok at tumulong sa katatapos lamang na araw ng halalan kabilang na ang mga kabataan.
Ayon kay Caceres Archbishop Rex Andrew Alarcon – chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Youth, mahalagang kilalanin ang aktibong partisipasyon ng mga botante at nang lahat ng mga tumulong sa pangangasiwa sa kabuuang proseso ng halalan sa bansa.
Ipinaliwanag ng Arsobispo na ang halalan ay isang paraan ng pagtataguyod sa bansa kaya naman sadyang kinakailangan ng mga handang magsakripisyo at magbahagi ng kanilang panahon at lakas upang matiyak ang kaayusan, katapatan at kapayapaan ng halalan.
“Pasasalamat sa lahat ng nakilahok at tumulong sa Halalan. Ang pagtataguyod ng bansa ay nangyayari hindi lamang sa isang eleksyon, bagkus sa bawat eleksyon. Kaya sana huwag tayong mapapagod magsakripisyo at mag-ambag bawat eleksyon.” Bahagi ng pahayag ni Archbishop Alarcon.
Dismayado umano si Archbishop Alarcon sa patuloy na pananaig ng political dynasty sa bansa kung saan mas higit na nananaig ang pansariling interes ng mga pamilya at angkan sa posisyon at kapangyarihan sa pamahalaan.
Aniya, dapat na tandaan ng bawat isa na mas matimbang ang konkretong paggawa at pagpapamalas ng tunay na serbisyo-publiko kumpara sa anumang pangako ng sinumang mga kandidato.
“Nakakalungkot lang na tila hindi na kultura ng paglilingkod at pag-ambag ang nananaig, kundi ng personal na interes o interes ng grupo o pamilya. Let us remember: one concrete good act is of much more value than a thousand promises,” ayon pa kay Archbishop Alarcon.














