Latest News

PANALANGIN PARA SA PAGGALING NI POPE FRANCIS, HILING NG CBCP

By: Carl Angelo

Nananawagan sa publiko ang isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ng panalangin para sa tuluyang paggaling ni Pope Francis, na isinugod sa pagamutan noong Pebrero 14, 2025.

Sinabi ni CBCP Episcopal Commission on Youth chairman Caceres Archbishop Rex Andrew Alarcon, mahalaga ang sama-samang pananalangin ng bawat mananampalataya para sa kagalingan ng Santo Papa.


Partikular na nanawagan ang Arsobispo sa mga kabataan upang ipanalangin ang patuloy na kalakasan at kabutihan ng pangangatawan ni Pope Francis.

“Panawagan rin sa lahat lalo na sa mga kabataan na ipanalangin si Pope Francis bilang namumuno sa ating na pastol ng universal church na sana bigyan siya ng lakas, lakas, wisdom, the determination para patuloy na magabayan niya tayo sa patuloy ding pagbabago ng Simbahan as an institutional church,” ani Alarcon.

Ayon sa Arsobispo, mahalaga ang tungkuling ginagampanan ni Pope Francis para sa pagsasakatuparan ng pagbabago sa buong mundo na sinisimulan ng Santo Papa sa mismong loob ng Simbahan partikular sa loob ng curia.


Iniulat naman ng Holy See Press Office ang patuloy na pagbuti ng kalagayan ng 88-taong gulang na si Pope Francis.

Anito, patuloy pa ring isinasailalim sa masusing pagsusuri ang Santo Papa sa Agostino Gemelli Polyclinic, kasabay nang patuloy na gamutan matapos siyang makaranas ng bronchitis.


Kinumpirma rin nito na maganda ang naging resulta ng mga naunang test na isinagawa sa Santo Papa na indikasyon ng unti-unting pagbuti ng kanyang kalusugan.

Samantala, kinakailangan pa umanong dumaan ni Pope Francis sa ilan pang mga serye ng diagnostic tests upang matiyak ang kanyang kalusugan at pangangatawan.


Tags: Pope Francis

You May Also Like