Nais ni Sen. Erwin na pagtuunan naman ng atensyon ngayon ang iba pang pangangailangan ng mga tao.

PANAHON NA PARA PAGTUUNAN NAMAN NG PANSIN ANG IBANG PROBLEMA NG MGA TAO – ERWIN TULFO

By: Jerry S. Tan

Sa palagay ko ay panahon na para ituon naman ng Senado ang atensiyon nito sa mga problema ng mga mamamayan.

Ito ang naging panawagan ni Senador Erwin Tulfo, sa gitna ng mainit na usapin sa kontrobersyal na flood control corruption at budget hearings.


Nananawagan si Sen. Tulfo sa mga kasamahan na huwag sana makalimutan at hanapan din ng solusyon ang problema sa mahal na pagkain at pagpapagamot, kawalan ng wastong access sa edukasyon at trabaho para sa mga Pilipino.

“Sana in between ng hearings sa flood control at usaping budget para sa 2026 ay mapagtuunan din natin ng pansin ang laging problema ng tao – pagkain, kalusugan, edukasyon at trabaho,” anang Senador.

Idinagdag pa ni Sen. Tulfo: “Tutal nariyan naman na ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) , Department of Justice (DOJ), at National Bureau of Investigation (NBI) para matukoy ang iba pang sangkot na mga opisyal at para makasuhan.”


Ayon kay Tulfo, tama naman na tutukan ng lahat ang isyu ng korapsyon na kinasasangkutan ng mga politiko para di na maulit pa, pero dapat ay hindi rin umano mawala ang atensyon ng mga mambabatas kung papaano maresolba ang problema sa presyo ng bilihin at pagpapagamot, sa pag-aaral ng mga kabataan at pagkakaroon ng hanapbuhay ng mga Pilipino.

Binigyang-diin ni Tulfo na bukod sa aksyon laban sa korapsyon ay hiling din ng mga tao sa mga kandidato noong nakaraang halalan na hanapan ng solusyon ang problema sa pagkain, kalusugan, edukasyon at trabaho.


Tags: Senador Erwin Tulfo

You May Also Like