TINIYAK ngayon ng pamunuan ng Philippine National Police na masusi nilang iimbestigahan ang naganap na pamamaril sa grupo ni presidential aspirant Ka Leody De Guzman na ikinasugat ng apat katao sa bayan ng Quezon sa Bukidnon.
Una nang pinabulaanan ng Quezon Municipal Police Station na si Leody de Guzman ang siyang target ng pamamaril sa isang plantasyon na umanoy pag-aari ng isang alkalde na tinangkang pasukin ng mga katutubong Manobo na sinamahan ng grupo ng presidential aspirant .
Kaugnay nito , inihayag ng PNP na lubhang maaga pa para edeklarang election-related ang nangyaring pamamaril sa grupo ni presidential candidate Leody de Guzman.
Ayon kay PNP chief Police General Dionardo Carlos, kasalukuyang nagsasagawa na sila ngayon ng malalimang imbestigasyon ukol sa pangyayari, kabilang na rito ang pagtukoy sa mga circumstances ng insidente.
Una rito, sinabi ng Bukidnon PNP na walang proper coordination sa mga otoridad ang grupo ni de Guzman na bibisita ito sa lugar na may standing court case.Sinasabing hindi nakipag koordinasyon ang grupo nina Ka Leody sa Quezon Municipal Police station hinggil sa kanilang mga aktibidad.
Magugunitang inihayag mismo ni De Guzman may nagpaputok habang nakikipag pulong siya sa ilang indigenous group sa Barangay Butong sa bayan ng Quezon ng nasabing lalawigan para alamin ang kanilang mga suliranin partikular sa usapin ng “land grabbing”.
Sinasabing nais na umano ng mga tribu na lumipat sa may apat na ektaryang bakanteng lupa na bahagi ng kanilang 900 hectares ancestral domain ng mga Manobo ngunit ayaw silang payagan ng mga private armies ni Quezon, Bukidnon Mayor Pablo Lorenzo III na umanoy umaangkin sa lupain.
Sinasabing taong 2018 pa nung nabigyan daw ng certification ng NCIP national ang mga Manobo na pag-aari nila ang lupa at may kautusan na rin sa alkalde na ibigay sa tribo ang lupa ngunit hindi umano ito ginawa hanggang sa kasalukuyan.
Kaugnay nito ay pinaalalahanan ng PNP ang mga kandidato sa halalan na i-coordinate nang maayos ang kanilang mga aktibidad sa PNP para mabigyan sila ng maayos na seguridad.
Ang paalala ay ginawa ni PNP Public Information Office Chief PBGen. Roderick Augustus Alba kasunod ng insidente ng pagpapaputok ng baril ng mga security guard ng isang pribadong plantasyon sa Quezon, Bukidnon nang magtangkang pumasok ang grupo ng mga katutubo na kasama umano sa pagtitipon ni presidential candidate na si Ka Leody De Guzman.
Ayon kay Gen. Alba, hindi naman ipinagbabawal ang area security lalo na sa identified high-risk zone.
Nilinaw naman ni PNP Chief, na hindi ipinagbabawal ang pagbibigay ng area security lalo na sa mga identified high-risk zone.
Ang ipinagbabawal lamang ay ang pagkuha ng body guards na walang Certificate of Authority mula sa Comelec.
Siniguro ni Carlos, na kanilang aalamin ang katotohanan sa likod ng pamamaril at mananagot ang dapat managot.
Iniimbestigahan na rin ng Commission on Elections (Comelec) ang nasabing insidente. (VICTOR BALDEMOR)














